Hindi kabaliwan ang tinutukoy ko.
Ito ‘yung may bagay na nakakapagpaligaya sa iyo ngunit nakakalungkot din habang
ginagawa mo ito. Magulo ba? (May kinalaman din dito ang post ko noong
nakaraan.)
Sa klase, pinagsulat na naman
kami (bagay ng gustung-gusto kong ginagawa) ngunit limitado na naman (bagay na
nakakalungkot).
Narito ang aking akda na isinalin
ko ulit sa nakakadugo ng ilong na mga salita.
*****
Kasabay ng pagsisimula ng
pag-ikot ng kamera, dinala ako ng mga alaala pabalik sa ilang buwan na ring
nakalipas.
“Kuya, paano mo ilalarawan ang
nakalipas na eleksiyon?”
Bigla kong naalala ang
pangungumbinsi ni Gladys para sa panayam na ito. Halos pitong buwan na rin
naman ang nakalipas mula noong eleksiyon. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na
magkukuwento ako sa publiko ng tungkol dito.
Noong una’y hindi ako agad
napatango sa panayam na ito. Pangunahing rason na marahil ang kagustuhan kong
ibaon na lang sa limot ang anumang bakas ng mga pangyayari. Ngunit pare-pareho
naming kailangan ang panayam na ito para sa ginagawa naming dokyumentaryo para
sa isa naming asignatura.
“Matagumpay ang nagdaang
eleksiyon,” panimula ko. “Ang tagumpay ay hindi lamang nasusukat sa pagkapanalo
ng isang kandidato. Maaari ngang natalo ako ngunit hindi mapapantayan ang
tagumpay na nararamdaman ko sa pagkakaroon muli ng eleksiyon sa ating
unibersidad.”
Muli akong naglakbay pabalik sa
nakaraan. Nakita ko ang aking sariling determinado sa pagkandidato sa
pinakamataas na posisyon sa student council. Batid kong ito’y suntok sa buwan.
Kabilang ako sa isa sa pinakamaliit na departamento sa aming paaralan
samantalang nagmula sa pinakamalaking kolehiyo ang aking katunggali. Idagdag pa
ang katotohanang sa kanilang grupo laging nanggagaling ang nauupo sa puwesto.
Ito ang unang pagkakataon na may kumalaban sa kanila pagkatapos ng ilang taon.
Masalimuot ang kabuuan ng
pangangampanya. Maraming mga bagay ang hindi dapat nangyari. Ngunit mas marami
pa ring mga kaganapan ang nararapat lang na maisakatuparan. Maraming relasyon
ang nagkalamat. Ngunit mas maraming relasyon ang tumatag at umusbong mula sa
magkakahawig na prinsipyo’t paninindigan. Maraming mga bagay ang hindi
sinasadyang magwakas. Ngunit mas maraming mga bagay ang itinadhanang masimulan.
“Ang maiparanas sa mga kapwa
natin estudyante na gamitin nila ang kanilang karapatan sa pagboto makalipas
ang ilang taong pananahimik ay isang malaking tagumpay,” pagpapatuloy ko.
Kusang dumaloy palabas ng aking
mga labi ang mga kasagutan sa mas mainit pang mga tanong. Batid kong lubos ang
pagkakakilala niya sa akin at alam niya kung paano mapipiga sa akin ang mga
linyang punung-puno ng kahulugan.
Ayoko na ng gulo. Marahil ay isa
pa ito sa mga dahilan sa muntik ko ng pagtanggi sa panayam na ito. Ngunit
masama ba ang magpakatotoo sa aking sarili? At dahil minsan lang naman ito,
ibinuhos ko na ang lahat ng nilalaman ng aking puso’t isipan.
Halos naubos ang mga tanong nang
hindi ko namamalayan.
“Kuya, may mensahe ka ba para sa
mga nais sumunod sa yapak mo?”
“Nais ko lang ipaalala sa kanila
na dapat ay buo ang loob nila sa pagpasok sa mundo ng pulitika. Masyadong
mainit ang paglalakbay patungo dito. Kapag hindi ka handa, mapapaso ka. At
kapag tuluyan ka namang nakapasok at
hinayaan mong lamunin ka ng sistema, masusunog ka.”
“May balak ka bang kumandidato
ulit sa darating na eleksiyon?” Ito na marahil ang huling tanong niya.
Ipinako ko ang aking paningin sa
kamera kalakip ng isang makahulugang ngiti.
*****
Kasabay ng pagbabalik-tanaw ko sa
panayam na iyon ay ang hiling na sana’y wala ng iba pang makapanood nito.
At hiling ko rin na sana’y sa
susunod na pagsulatin kami’y hindi na limitado para naman mas mahaba-habang
kuwentuhan.
Ikaw, may nais ka bang ikuwento?
laging may tagumpay sa kabuguan
ReplyDeletePlaygroup Singapore