Sunday, January 8, 2012

Ang Facebook at ang Pinoy

Gaano ba tayo kaadik sa Facebook?

Ayon sa inilabas na report ng website na 24/7 Wall St. noong nakaraang taon, 9 out of 10 Filipinos ay may Facebook account. 

Kung dati’y binansagan ang Pilipinas bilang “texting capital of the world,” ngayon nama’y maaari na raw tayong bigyan ng titulo bilang “social networking capital of the world.”

Ikaw, ilan na ba ang Facebook friends mo?

Sa huling silip ko sa aking account ay mayroon ng mahigit dalawang libo sa friends list ko. Napaisip nga ako eh. Marahil ay hindi ko na talaga kilala ang karamihan sa kanila. At ito ay hindi dahil sa nakalimutan ko na sila kundi dahil hindi ko naman talaga sila kilala noon pa man.

Noong una, hindi ako basta-basta pumipindot sa “accept friend request” button kung hindi ko naman talaga kilala ang nagpapa-add. Pero kalaunan, napilitan wala rin akong nagawa kundi tumanggap nang tumanggap lalo na’t may mga mutual friends naman kami. (Nagsimula ito noong maging student leader ako, ayoko naman syempreng masabihan akong suplado kaya add lang nang add basta’t schoolmate ko.)

Kamakailan lang, naisipan kong gumawa ng pangalawang FB account. Ito na ngayon ‘yung pribado at sinisiguro kong kilala ko ang bawat friends na nasa list ko.

Minsan nga, napapaisip ako. Ganito na ba kababaw ang kahulugan ng salitang “friend” ngayon? Basta’t kakilala kahit hindi ka-close, friend. Basta’t kakilala ng kakilala, friend. Ang masaklap, kahit hindi kakilala, friend!

Dati, bago kayo maging friends, kailangan ng sangkatutak na effort. Kailangan ay kasama mo palagi. Dapat ay halos araw-araw na kakwentuhan. Dapat ay ‘yung tipong kilala mo mula ulo hanggang paa. Pero ngayon, kahit friend mo na (sa FB), hindi mo pa rin kilala. Minsan, magugulat ka pa nga dahil friend mo pala.

Ang pagkaadik pagkahilig nating ito sa social networking sites ay sinakyan na rin ng mga negosyante. Halos karamihan ng mga cellphones ay may instant access na sa menu ang mga sites na gaya ng Facebook. Uso na rin ang unlimited browsing promos ng iba’t ibang networks. Idagdag mo pa dito ang parami nang paraming wi-fi hotspots.

Biro nga ng isang friend ko (totoong friend ko talaga siya at hindi sa FB lang), mas simple daw ang buhay sa FB. Maaari kang magkaroon ng mansiyon at farm basta’t magsipag ka lang magtanim. Pwede ka ring magmistulang model sa porma mo sa iyong profile pic kahit kabaligtaran nito ang tunay na buhay. 

Palaisipan din tuloy sa akin kung gaano kahabang panahon ang ginugugol ng isang ordinaryong Pinoy sa FB?

Minsan nakakaasar nakakatawa na lang basahin sa mga posts ng iba. Halos lahat ng kilos nila ay ikinukwento sa wall nila. Sabagay nga naman, wall nila ‘yun. At gaya nga ng sabi ko dito, sinasagot lang naman nila ang tanong na “What’s on your mind?”

Kaya walang basagan ng trip!

Teka, friend na ba kita? Pa-add naman!

1 comment:

Blogger Widgets