Thursday, January 12, 2012

Information Overload

Naranasan mo na bang halos maduwal sa sobrang kabusugan?

Ganyan ang naranasan ko nitong mga nakaraang araw, pero hindi dahil sa pagkain kundi sa mga bagay na kailangang i-memorize. Ayos lang sana ‘yung mga terminologies pero kapag sinamahan pa ng sangkatutak na pangalan, patay!

Kapag panahon ng exam, normal na sa aming magkakaklase ang tila siraulong bulong nang bulong. Kung pagmamasdan mo nga, parang nag-oorasyon lang. Kanya-kanyang bulong, kanya-kanyang istilo ng pagre-review.

At pagkatapos ng exam, iba’t iba ang kadalasang reaksiyon.

Ang ilan ang ‘cool’ lang. Sila ‘yung mga dinibdib ang pagre-review at kinain ang mga reviewers at books. Halimaw, kumbaga.

Ang iba naman ay iiling-iling habang binubuklat ang mga reviewers para alamin kung alin ang mga nalimutan. Sila ‘yung mga halimaw na nagkulang ng konti sa pagkakahalimhim.

Ang iba ay desperado at iniisip kung papasa ba sila o lalagapak.

Ang ilan ay dedma lang, walang pakialam. Bakit? Wala rin naman silang pakialam kung bagsak o pasado sa subject na iyon.

Pero mas marami pa rin ang nakangiti lang at pipilting mag-move on na kaagad. Hindi man sigurado sa kalalabasan ng exam, alam nilang wala na ring mangyayari kung iisipin pa nila kung tama ba ang mga naisulat sa mga sagot. Tapos na ang exam kaya tapos na rin ang pagdibdib dito. May kasunod pa namang mga exams para makabawi kung kinakailangan.
Ikaw, alin ka sa mga nabanggit?

Sa katatapos naming exam, biniro ako ng isang kaibigan. Buti pa daw ako at kumpleto ang mga sagot ko. Siguro daw ay dinibdib ko ang pagre-review. Ang hirit ko naman ay ito:

“Kapag ba kumpleto ang sagot, nag-review na agad? Hindi ba pwedeng nanghula lang muna?”

Birong-totoo. Hangga’t maaari, ayokong nag-iiwan ng blangko sa papel ko. Pipilitin kong sagutan hangga’t may mapipiga sa utak kukote ko. Bakasakaling makatsamba!

Kapag nagre-review ako dati, dibdiban talaga. Hindi ko tinitigilan hangga’t hindi ko nasasagot ang lahat ng posibleng tanong. Pero habang tumatanda tumatagal pala at parami na rin nang parami ang trabaho, mahihirapan ka na sa pagsaksak ng kung anu-ano sa kukote mo.

Dumadating pa ako ngayon sa puntong parang ayoko nang matulog para lang makapag-review. Pero katwiran ko naman, kung magpupuyat ka nang sobra sa pagre-review, baka mahirapan ka lang sa pagsagot kinabukasan. Mas mainam na ‘yung kumpleto ayos ang tulog mo kahit paano, bakasakaling may maalala ka pa sa konting na-review mo.

Kapag nagre-review din, mas gusto ko ang nakikinig ng music. Ewan ko ba, para kasing nare-relax ang utak habang binugbugbog ko ito sa pag-aaral. Ayoko ng tahimik. Ayoko ng walang naririnig. Ayos lang din kahit na nakaharap pa ako sa telebisyon. Basta ayoko ng pakiramdam na parang nag-iisa ako habang nag-aaral.

Ikaw, anong style mo sa pag-aaral?

1 comment:

Blogger Widgets