Saturday, January 28, 2012

Dear Diary

Nagkaroon ka na ba ng isang karanasan na akala mo ay hindi maaaring mangyari?

Hindi lahat ng mambabasa ay nabibigyan ng pagkakataon na makilala ang idolo nilang manunulat. Kung kaya’t maswerte ako ngayong araw dahil sa pambihirang pagkakataong ito.

Itinuturing ko na aksidente ang pagtatagpo naming iyon. At dahil hindi naman araw-araw ang ganitong pagtatagpo, sinamantala ko na ito sa pamamagitan ng pagtatanong sa kaniya ng mga tanong na kay tagal nang palaisipan sa akin.

Narito ang ilang bahagi ng aming kuwentuhan pag-uusap…

Ako: Naging mabenta ang lahat ng sinulat mong libro. Ngunit hanggang ngayon ay isang malaking misteryo ang iyong pagkatao. Bakit ba tila nagtatago ka? Ayaw mo bang makilala ka ng iyong mga tagahanga? O natatakot ka lang dumugin? Ah, alam ko na! Tinatamad kang pumirma nang paulit-ulit sa mga libro na koleksiyon ng iyong mga tagahanga, tama ba?

Siya: (ngumisi) Parang ganoon na nga.


Ako: Kung ganoon, bakit hindi ka na lang gumamit ng rubber stamp? Mapapadali ang pagpirma mo. Gusto mo ba regaluhan kita ng stamp pad?

Siya: (tumawa habang umiiling)

Ako: Kung hindi ka isang manunulat ngayon, ano ka kaya?

Siya: Mambabasa.

Ako: (natawa) Oo nga naman! Sabi mo dati sa isang libro, ang website mo ay itinuring mong tila anti-biotic na kinailangang itigil na ang pag-inom dahil sapat na at hindi maaaring sumobra sa inireseta. ‘Yung sakto lang dahil kapag nasobrahan baka hindi na umepekto. Bakit sa antibiotic mo ikinumpara iyon? Hindi ba pwedeng sa Biogesic na lang para safe kahit walang laman ang tiyan at kahit paulit-ulit?

Siya: Ingat!

Kita mo? Kahit ang manunulat ay nauubusan din ng mga salita kapag minsan.

Napakaigsi ng aming usapan ngunit punumpuno ng kautuan kabuluhan. Pero paano nga ba nagsanga ang aming landas?

Paggising ko kaninang umaga, wala na ang mga kasama ko sa bahay. Hindi ko matandaan kung maaga lang ba akong nagising o sadyang maaga lang silang umalis. Pagpunta ko sa kusina, wala akong makitang almusal. Kailangan kong magpunta sa pinakamalapit na panaderya para bumili ng happy meal pandesal.

Sa pagmamadali, hindi sinasadyang makabungguan ko ang isang lalakeng may kipkip na mga folders sa kanyang braso. Nabitiwan niya ang mga ito at kumalat sa bangketa na aming kinatatayuan. Umupo ako upang isa-isang pulutin ang mga ito. Paglingon ko sa kaniya na abala rin sa pagpulot ay nagtama ang aming mga mata. Nagsalubong ang aming mga titig. Tila tumigil sa pag-ikot ang daigdig sa mga sandaling iyon. Halos ayokong huminga. Naramdaman kong bumilis ang tibok ng aking puso.

Teka, hindi naman love story ito! At saka pareho kaming lalake! Hindi iyan ang nangyari. 

REWIND!

Sa pagmamadali, hindi sinasadyang makabungguan ko ang isang lalakeng may kipkip na mga folders sa kanyang braso. Nabitiwan niya ang mga ito at kumalat sa bangketa na aming kinatatayuan. Umupo ako upang isa-isang pulutin ang mga ito. Paglingon ko, hindi sinasadyang nabasa ko ang pangalan sa resume’ na kasalukuyan kong dinadampot. Napalingon ako sa kaniya.

Hindi ko na alam ang sumunod na nangyari. Nakita ko na lang ang aking sarili na nagkakape kasama ang mamang ito sa isang lugawan sa bangketa malapit sa palengke. Hindi ko alintana ang lugar. Ang iniisip ko lamang ay sulitin ang pagkakataon na makasabay sa almusal ang awtor na sumulat ng mga librong kabilang sa aking koleksiyon.


*****

Iyan ang aking kathang diary entry para sa eksam sa writing subject namin.

Akala mo ba totoo? 

2 comments:

  1. Akala ko nga totoo, nakaramdam pa ko ng bahagyang inggit dahil akala ko nakilala mo nga si idol, haha. Nice

    ReplyDelete

Blogger Widgets