Friday, January 13, 2012

ABNKKBSNPLTLGAko!

What particular book has made the greatest impact in your life?

Patay! Iyan ang reaksiyon ko nang mabasa ko ang tanong na ‘yan dati. Iyan ang isa sa mga tanong ng titser ko sa isang English subject dati. At naging isang malaking palaisipan kung paano ko ito masasagot.

Hindi ako mahilig magbasa ng mga libro. Ewan ko ba kung bakit. Hindi naman sa hindi ako mahilig magbasa. Ayoko lang talaga ng mga makakapal na librong tila kakain ng ilang buwan bago ko matapos basahin.

Mahilig naman akong magbasa ng diyaryo, text, blog, at kung anu-ano pa. Dati nga, kahit pinambalot na ng tinapa, pinagtitiyagaan ko pa ring basahin. Hindi ko alam kung anong nangyari at hindi ako nahilig sa mga pang-genius na mga libro.

Muntik ko nang maisipang mag-imbento ng isasagot. Buti na lang bumulong ang katabi ko na tila nahulaan ang iniisip ko.

“Dude, mahilig ka naman kay Bob Ong. Hindi ba books ang mga sinusulat nya?”

Hulog siya ng langit! Bakit nga ba kasi iba ang naiisip ko kapag binanggit ang salitang “books”? Parang nakatatak na sa isip ko na ang books ay makakapal na mga classic novels o di kaya’y mga nobelang kalauna’y nagiging pelikula..

Pinahiram lang sa akin dati ng isang kaibigan ang isang libro na tiyak na magugustuhan ko raw. Napailing nga lang ako dahil alam na alam naman niya na hindi talaga ako mahilig magbasa. Pero subukan ko daw munang buklatin bago ako magreklamo. At dahil nagpauto nakumbinsi ako, ganun nga ang ginawa ko.

Buklat. Buklat. Buklat.

Basa. Basa. Basa.

Bago ko pa namalayan, natapos ko ang libro na may ngiti sa aking mga labi. Marahil ay nagustuhan ko ang istilo ng pagsausulat niya. O di kaya’y mas tumatak sa akin ang laman nito. O maaari rin naming nakita ko ang sarili ko sa mga kwento niya.

At ano ang sumunod na nangyari? Naghanap na ako agad ng kasunod. Nakita ko na lang ang sarili ko na kinukumpleto ang koleksiyon ko ng mga aklat na sinulat niya.

ABNKKBSNPLAko – iyan ang unang aklat na gumising sa aking natutulog na interes sa pagbasa.

Malaki ang naging epekto sa aking buhay ng mga librong sinulat ni Bob Ong. Obvious namang pati pangalan nitong blog ay ebidensiya ng impluwensiya niya sa aking pagkatao.

At sa ngayon, pinipilit kinukumbinsi ko na rin ang sarili ko na mahalin ang pagbabasa. Hindi pwedeng hindi, English major ako. At kailangan sa kurso ko ang magbasa nang magbasa.

At sabi nga ng isa kong titser, bahagi daw ng araw-araw nating buhay ang pagbabasa. Mula sa simpleng pagte-text at pagtingin kung nakapula ba o berde ang ilaw ng traffic light, pagbabasa na daw iyon. Oo nga naman. At sabi nga ng kapitbahay kong si ni Francis Bacon, "Reading maketh a full man."

Ikaw, anong libro ang may pinakamalaking epekto sa buhay mo?

1 comment:

Blogger Widgets